Ang lungkot ng panahon, naririnig mo ang pagpatak ng ulan
kaalinsabay ng tibok ng puso mong bumibilis at minsang animo’y hihinto.
Naguguluhan ka na naman ba? Naiintindihan kita. Natatakot ka na naman noh? May
nangyari na naman ba or may naringgan ka na naman ba?
Gusto mo ba ng makakausap? Yun tipong, pakikinggan ka lang
at hindi ka huhusgahan? Gusto mo ba ng dadamay sa’yo upang maibsan ang pighati
na nasa iyong katauhan? ‘Wag kang ganyan. Matalino ka, pero asan na? Bakit mo
hinahayaang manguna ang puso mo kaysa sa utak? Tandaan mo, ang utak nasa ulo, ang puso nasa dibdib, ibig sabihin, mas
gamitin mo ang utak mo kaysa puso. Kung hindi yan para sa’yo, di yan
mapapasaiyo. Kung mapasa’yo man, panandalian lang ang kasiyahan.
Ang buhay, parang laro
yan. Dapat marunong ka, dahil kung hindi matatalo ka. Sa mundong ito, dapat marunong kang sumabay sa
agos, dahil kung hindi lalamunin ka ng mundo. Magpakatatag ka. Hindi ka dapat
sumusuko. Ilang beses ka ba na iiyak? Hindi
mo ba alam, na sa bawat luhang pumapatak sa iyong mga mata, higit ang sakit na
aking nadarama. Gusto kitang pangitiin pero hindi mo naman ako nakikita.
Ano bang problema?
Alam ko, mahal mo ang iyong pamilya. Pero kung minsan,
kailangan mo rin asikasuhin ang sarili mo. Alagaan
ang sarili, dahil isa rin iyan sa puhunan mo. Pag bumigay ang katawan mo, paano
mo pa matutulungan ang mga nanay? Wag
mong hayaang lamunin ng utak mo ang katawan mo… Manghihina ka niyan.
Ang pag-ibig di mo masabi kung kailan dumarating. Paano kang magmamahal kung hindi mo naman
mahal ang sarili mo? Ilang beses ka ng nasaktan dahil sa nangyayari. Pero ikaw pa mismo ang gumagawa ng
ikasasakit mo. Tandaan mo, ang tulad
mo iniingatan, inaalagaan. Pero sa ginagawa mong ‘yan, sinisira mo ang
buhay mo.
Mag-isip ka. Hindi
sa lahat kailangan mong maging ideal, mapatrabaho man o mapakung anuman. Gumising
ka sa katotohanan. Dapat marunong kang
dumiskarte. Kung hindi, mamatay kang nakadilat ang mata. Baka ang mission
mo sa buhay na ito ay tumulong sa mga nangangailangan.
Kailangan ka ng pamilya mo. Kailangan mong magpakatatag.
Bakit hindi ka makapagsalita? Kung dito ka lang
magtatrabaho, walang mangyayari sayo. Mag-isip ka. Timbangin mo ang mga
bagay-bagay. Bata ka pa, marami ka pang
magagawa at marami ka pang matutulungan. Ano man nararamdaman at
pinagdadaanan mo ngayon, magpakatatag ka. Manalig
ka lang sa Kanya dahil ginagabayan ka niya.
-HH, 2009
No comments:
Post a Comment