Tuesday, September 4, 2012

HH 101


Ang lungkot ng panahon, naririnig mo ang pagpatak ng ulan kaalinsabay ng tibok ng puso mong bumibilis at minsang animo’y hihinto. Naguguluhan ka na naman ba? Naiintindihan kita. Natatakot ka na naman noh? May nangyari na naman ba or may naringgan ka na naman ba?

Gusto mo ba ng makakausap? Yun tipong, pakikinggan ka lang at hindi ka huhusgahan? Gusto mo ba ng dadamay sa’yo upang maibsan ang pighati na nasa iyong katauhan? ‘Wag kang ganyan. Matalino ka, pero asan na? Bakit mo hinahayaang manguna ang puso mo kaysa sa utak? Tandaan mo, ang utak nasa ulo, ang puso nasa dibdib, ibig sabihin, mas gamitin mo ang utak mo kaysa puso. Kung hindi yan para sa’yo, di yan mapapasaiyo. Kung mapasa’yo man, panandalian lang ang kasiyahan.

Ang buhay, parang laro yan. Dapat marunong ka, dahil kung hindi matatalo ka.  Sa mundong ito, dapat marunong kang sumabay sa agos, dahil kung hindi lalamunin ka ng mundo. Magpakatatag ka. Hindi ka dapat sumusuko. Ilang beses ka ba na iiyak? Hindi mo ba alam, na sa bawat luhang pumapatak sa iyong mga mata, higit ang sakit na aking nadarama. Gusto kitang pangitiin pero hindi mo naman ako nakikita. Ano bang problema?

Alam ko, mahal mo ang iyong pamilya. Pero kung minsan, kailangan mo rin asikasuhin ang sarili mo. Alagaan ang sarili, dahil isa rin iyan sa puhunan mo. Pag bumigay ang katawan mo, paano mo pa matutulungan ang mga nanay? Wag mong hayaang lamunin ng utak mo ang katawan mo… Manghihina ka niyan.

Ang pag-ibig di mo masabi kung kailan dumarating. Paano kang magmamahal kung hindi mo naman mahal ang sarili mo? Ilang beses ka ng nasaktan dahil sa nangyayari. Pero ikaw pa mismo ang gumagawa ng ikasasakit mo. Tandaan mo, ang tulad mo iniingatan, inaalagaan. Pero sa ginagawa mong ‘yan, sinisira mo ang buhay mo.

Mag-isip ka. Hindi sa lahat kailangan mong maging ideal, mapatrabaho man o mapakung anuman. Gumising ka sa katotohanan. Dapat marunong kang dumiskarte. Kung hindi, mamatay kang nakadilat ang mata. Baka ang mission mo sa buhay na ito ay tumulong sa mga  nangangailangan. Kailangan ka ng pamilya mo. Kailangan mong magpakatatag.

Bakit hindi ka makapagsalita? Kung dito ka lang magtatrabaho, walang mangyayari sayo. Mag-isip ka. Timbangin mo ang mga bagay-bagay. Bata ka pa, marami ka pang magagawa at marami ka pang matutulungan. Ano man nararamdaman at pinagdadaanan mo ngayon, magpakatatag ka. Manalig ka lang sa Kanya dahil ginagabayan ka niya.

-HH, 2009

Monday, September 3, 2012

Ewan ko Sa'yo, Ang Gulo mo!


Kung minsan, kailangan mong masaktan bago ka may matutunan.Life is fair di tulad ng sinasabi ng karamihan. Oo, umiiyak ka pero hindi ibig sabihin, mahina ka na. Isa lang itong paraan upang makawala ang anu man nilalaman ng iyong puso. Sa isang pagkakaibigan, nagkakatampuhan, natural lang yan. Nag-aasaran, natural lang yan. Ang isang relasyon na wala man lang kaunting pait, iba na ata yan. Baka hindi pala yan "Crafted by God". 

Bigla akong napahinto... ano nga bang meron ako? Gusto kong lumayo, una kong naisip. Mahirap magpigil, baka biglang sumabog, at hindi mamalayang saan na pala ako dalhin ng aking mga paa. Nilibot ng tingin ang paligid. Hindi pala ako nag-iisa. Nakakainis! idinidikta ng aking isip. Nakakapagod, daing ng aking katawan. kahit puso ko'y, naipong galit ibig ipahayag. Subalit bumulagta ang katotohanang ang hina ko pala. Sa liit ng mga panahong muli ay nakasama, ang kitid ng espasyong aking inilalaan sa kanya.Ngayon ko napagtanto, hindi ako nag-iisa, siya man at sila ay nakakaramdam din pero kahit magkaganun man, nakukuha nilang maging masaya na kasama siya. Bakit nga ba dagling nilimot ang magaganda sa kanya at tanging kabaligtaran ang pilit na inaalala? Mahina ka! Nagpupumiglas na salita. 

Masyado kang makasarili. Masyado kang naging manhid. Ang taong katulad niya, bibihirang makakahanap ka. Minsang magpapangiti at magpapaiyak. Kumpleto na! Isang taong aalalahanin ka may kailangan sayo o wala. Hindi mo man aminin, nararamdaman mong minamahal ka rin niya.

Sa paglabo ng paningin dahil sa pagluha, ay siya namang paglinaw ng lahat sa aking gunita...